Sunday, February 16, 2014

Ang Tunay Na Lalake: Ang Panimula



Paano ko ba ito sisimulan? Marahil sa pagiging dismayado sa nakikita sa tv, si Mr. Mustachio ay nagkatawang tao galing sa planeta ng mga tunay na lalake, na kung saan ang panahon ay na-stuck sa panahon ng mga bayani at mandirigma - panahon ng sining at kultura, upang ibahagi sa lahat ang karakter na nakalimutan na ng mga lalake at ipaalala sa kanila kung paano ba talaga maging isang tunay na lalake, tulad ng ating mga lolo.

Si Mr. Mustachio ay isang lalakeng nangarap din, tulad ng ibang mga binata, na magkaron ng limpak limpak na mga babae at nobya, ngunit sa kanyang pag hahangad, kanyang natuklasan na ang pagiging tunay na lalake ay hindi nasusukat sa dami ng babaeng ikinama. Ang kanyang natuklasan sa kanyang paghahanap, isang "lifestyle", isang "framework" na kung saan maaring mong gamitin, bilang tunay na lalake, upang maging gabay sa iyong pamumuhay, na kung saan ikaw ay irerespeto at titingalain ng mga tao at kababaihan at mabuhay ng maligaya.

Isang tunay na lalake na seseryosohin ng lahat, ngunit gugustuhin makasama. Isang tunay na lalake na gugustuhin ng kahit sinong magulang para sa kanilang anak. Isang tunay na lalake na karapat dapat lang maging ama sa kanyang mga anak. Isang tunay na lalake na "may alam" sa buhay. Hindi lang sa pamimili ng sabong panlaba kundi sa pagharap sa buhay na walang katiyakan at magkaron ng tiwala sa sarili upang malampasan ito, sa lahat ng oras at pagkakataon.

Nandito si Mr. Mustachio upang turuan ka maging isang tunay na lalake. Mga karakter at framework na kinalakihan ng ating mga ninuno ng ating mga lolo. Mga totoong ginoo ng kasaysayan, sa modernong konteksto, na nawala na dahil sa mga palabas sa telibisyon at pagbibigay ng maling importansya sa mga pabling at palikero. Si Mr. Mustachio ang magbibigay sayo ng lakas ng loob at magtuturo kung paano mo lalapitan at maimpress ang babaeng matagal mo nang pinapangarap. Sya ang magtuturo sayo kung paano mo maiaahon sa hirap ang iyong pamilya.

Nadidismaya si Mr. Mustachio kapag nakakakita sya ng lalakeng na-ffriendzone, isang lalakeng mas madami pang nilalagay sa kanyang mukha kesa sa nanay nya. Mga lalakeng malalaki ang katawan ngunit kapag nagsalita na, walang laman. Sa kanyang gabay, ibabahagi nya sayo kung paano maging isang tunay na lalake.

Makinig ng maiigi dahil ang sasabihin nya ay pawang katotohanan at nababase sa experience. Walang halong bluff o sales pitch.

Bakit nya ginagawa to? Dahil ang tunay na lalake, tumutulong sa kapwa nya tunay na lalake.

P.S. Marahil napansin mo na, ang blog na ito ay hango sa isang site na may halos kaparehong pangalan. Maganda ang kanilang hangarin upang magbigay aliw, isa silang tunay na lalake sa puntong iyon. Ang blog na ito ay naiiba dahil layunin nitong magbigay gabay sa mga lalakeng nais matutong maging tunay na lalake at isabuhay ito.

No comments:

Post a Comment